MANILA, Philippines - Sa ikaapat na pagkakataon, isang point guard ang hinirang na overall pick sa PBA Rookie Draft.
Hinugot ng Powerade si 5-foot-9 JV Casio ng Smart Gilas Pilipinas bilang No. 1 overall pick sa idinaos na 2011 PBA Rookie Draft kahapon sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Ang dating La Salle Green Archer ang naging pang-apat na guard na naging top overall choice sa pro league matapos sina Mike Cortez (2003), Willie Miller (2001) at Paolo Mendoza (2000).
“It’s always been my dream to play in the PBA. I hopes to bring fresh kind of basketball sa PBA,” wika ni Casio matapos tawagin ang kanyang pangalan bilang kauna-unahan sa kabuuang 34 aspiranteng tinawag sa stage.
Hindi naman pinakawalan ng Rain or Shine si Paul Lee ng University of the East bilang No. 2 overall pick kasunod sina No. 3 Chris Lutz (Petron Blaze), No. 4 Marcio Lassiter (Powerade), No. 5 Mark Barroca (Sophinas). No. 6 Mac Baracael (Alaska), No. 7 Jason Ballesteros (Meralco), No. 8 PBA D-League MVP Allein Maliksi (Barako Bull, dating Air21), No. 9 Reil Cervantes (Barangay Ginebra) at No. 10 Dylan Ababou (Barako Bull).
Ang mga nahugot sa second round ay sina No. 11 Magi Sison (Shopinas), No. 12 Pamboy Raymundo (Talk ‘N Text), No. 13 Erik Salamat (Alaska), No. 14 Julius Pasculado (Alaska) at No. 15 Ariel Mepana (Alaska).
Ang iba pang mga nakuha sa second round ay sina No. 16 Brian Ilad (B-Meg), No. 17 Gilbert Bulawan (Meralco), No. 18 James Martinez (Ginebra), No. 19 Ken Acibar No. 20 Paul Joseph Sorongan (Barako Bull) at No. 21 Marc Agustin (Powerade).
Pinulot naman ng Shopinas sa third round si No. 22 Mark Cagoco kasunod sina No. 23 Filemon Fernandez (Petron) at No. 24 Gerald Lapus (Petron).
Bago ang 2011 PBA Rookie Draft, bumalik si Dondon Hontiveros sa SMC franchise nang dalhin ng Barako Bull sa Petron Blaze kasama si Carlo Sharma kapalit nina Sunday Salvacion at Mick Pennisi at dalawang future draft picks bukod sa pagpalit ng first round picks kahapon.
Nasangkot naman sa isang three-way trade ang Talk ‘N Text, Meralco at Powerade para sa isang six-player swap kung saan kasama ang No. 7 at No. 21 sa draft ng Texters.
Sa nasabing three-way trade, nahugot ng Bolts ang No. 7 pick kapalit nina Mark Yee at Mark Macapagal, habang nakuha ng Talk ‘N Text sina Shawn Weinstein at Bambam Gamalinda at nadala sa Tigers sina Ogie Menor, Chris Timberlake at ang second round 21st overall pick ng TNT.
Nasambot ng Meralco ang No. 4 sa second round pick ng Alaska, ang No. 17 overall (ginamit ng Bolts para kunin si Bulawan) kapalit ng 2014 second round pick ng Aces.