MANILA, Philippines - Susubukan ni Filipino challenger Jether Oliva na mahubaran ng world light flyweight crown si Mexican Ulises ‘Archie’ Solis sa kanilang banggaan ngayon sa Guadalajara, Mexico.
Itataya ni Solis ang kanyang hawak na International Boxing Federation (IBF) light flyweight belt laban kay Oliva, nakamit ang World Boxing Organization (WBO) Oriental minimum weight title mula sa isang unanimous 12 round decision kay Fernando Ocon noong Mayo 13.
Dala ng 24-anyos na si Oliva ang 17-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 11 knockouts kumpara sa matayog na 33-2-3 (21 KOs) card ng 29-anyos na si Solis.
Si Solis ay nauna nang inagawan ni Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria, ang bagong WBO flyweight titlist, ng IBF light flyweight crown via 11th-round TKO noong Abril 19, 2009 sa Araneta Coliseum.
Natalo naman si Viloria kay Carlos Tamara mula sa isang 12th-round TKO noong Enero 23, 2010 sa Cuneta Astrodome bago natalo ang Colombian kay Luis Alberto Zarate ng Argentina via split decision noong Mayo 29, 2010.
Si Zarate ay binigo naman ni Solis sa kanilang rematch via split decision noong Abril 30, 2011 upang muling mapasakamay ang kanyang IBF light flyweight title na kanyang idedepensa kay Oliva.
“Jether stays in great condition and lives a very clean life,” sabi ni American manager Kenny Smith sa tubong General Santos City na si Oliva, kailangang umakyat ng timbang para sa kanyang title bid laban kay Solis.