'Di gaanong kilalang Fil-Am aspirant nagpasiklab sa PBA Rookie Camp
MANILA, Philippines - Isang tubong Cebu City na lumaki sa United States ang umagaw ng eksena sa ikalawang araw ng PBA Rookie Camp.
Humugot si Julias Pascualado ng siyam sa kanyang 11 points sa third quarter sa 76- 72 panalo ng Barako Bull, dating Air21, sa Rain or Shine-White sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
“He did well. He’ll be a darkhorse in the draft,” wika ni Alaska assistant coach Luigi Trillo sa 24-anyos na guard.
Maski si Powerade coach Bo Perasol, ang maghihirang sa No. 1 overall pick sa 2011 PBA Rookie Draft na nakatakda sa Linggo sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila, ay pumuri kay Pascualado sa pagsasabing “he has the skill. He could an option.”
Bukod kay Pascualado, kinabiliban rin ng mga coaches sa nasabing rookie camp sina dating UE Warrior guard Paul Lee, Allein Maliksi, Ariel Mepana at Reil Cervantes.
Ang 6-foot-5 na si Cervantes ng Far Eastern University ang nagbida para sa Rain or Shine White sa kanyang 20 points.
Hindi naman sumama sa scrimmage sina Smart-Gilas Pilipinas players JV Casio, Mark Barroca, Dylan Ababou, Marcio Lassiter at Chris Lutz na sinamahan pa ni Serbian coach Rajko Toroman.
Tanging si Barroca, naging bataan ni Gallent sa Harbour Centre sa PBL, ang tumiyak na sasalang siya sa 2011 PBA Annual Draft.
Ang mga aspiranteng gustong umurong sa PBA Annual Draft ay may hanggang ngayong araw na lamang para ipabatid sa Office of the Commissioner ang kanilang desisyon.
- Latest
- Trending