Eagles lalapit sa twice-to-beat vs Warriors
MANILA, Philippines - Matapos selyuhan ang unang puwesto sa Final Four, iusad naman ang isang paa sa hangaring twice-to-beat advantage ang gagawin ng Ateneo sa pagpapatuloy ng 74th UAAP men’s basketball ngayon sa Araneta Coliseum.
Kalaban ng Eagles ang University of the East sa ganap na ala-1 ng hapon at hindi naman gaanong nagkukumpiyansa ang tropa ni coach Norman Black lalo nga’t galing sa malaking panalo ang bataan ni coach Jerry Codñera.
Ginulat ng Warriors ang pinaborang La Salle sa huling laro, 74-69, upang manatiling palaban pa rin kahit paano sa puwesto sa Final Four sa 2-7 baraha.
“We certainly cannot let down our guard against UE. The challenge is to try to be as consistent at possible,” wika ni Black na mayroong 9-0 karta.
Kapag manalo sila sa larong ito ay kailangan na lamang nilang manalo ng isa pang laro sa huling apat na laro o matalo ng isa pang laro ang pumapangatlong FEU para maokupahan ang mahalagang insentibo sa Final Four.
Karapatang angkinin ang ikaapat na puwesto sa standings naman ang pag-aagawan ng La Salle at UST na magku-krus ng landas dakong alas-3 ng hapon.
Parehong may 4-5 karta ang magkabilang koponan at ang mananalo ay lalayo pa sa mga naghahabol para sa mahalagang posisyon na ito sa Final Four laban sa National University, UE at kahit ang nangungulelat na UP.
Gaya ng Archers, dumapa ang Tigers sa huling laro nang durugin sila ng Eagles, 82-57.
Pero tiyak na naisantabi na ng mga koponang nabanggit ang mga pagkatalong ito lalo nga’t mas malaki ang nakataya sa larong ito.
Hindi magagamit ng tropa ni coach Dindo Pumaren ang 6’7 na si Yutien Andrada na wala na sa season dala ng ACL injury na tinamo sa huling tagisan.
Ngunit may sapat na lakas pa rin ang Archers na dapat namang humugot ng mas solidong paglalaro mula sa mga dating kamador na sina LA Revilla, Jarelan Tampus at Samuel Marata na bumaba ang ipinakikita sa second round.
Tiyak namang babangon si Jeric Fortuna sa ‘di magandang ipinakita sa huling laban upang makatulong sina Jeric Teng, Chris Camus, Kevin Ferrer at Karim Abdul.
Samantala, naunsiyami ang target na puwesto sa Final Four sa UAAP juniors basketball nang matalo sila sa National University, 52-47, na ginanap kahapon sa Blue Eagle Gym.
Ikalawang kabiguan ito sa sampung laro ng Archers at ngayon ay kasalo sa liderato ang FEU na tinalo naman ang three-time defending champion Ateneo, 73-58.
Ang Bullpups na pinangunahan ni Norjohn Tedenilla sa kanyang 14 puntos at 7 rebounds ay nasa ikatlong puwesto sa 7-3 baraha.
Nanatili din sa kontensyon sa Final Four ang Adamson nang kunin ang 63-60 panalo laban sa UPIS para sa ikalimang panalo sa 10 laro na siya ring karta ng UST na dinurog ang UE, 65-47.
- Latest
- Trending