Kambal na panalo itinakas ng UM sa NAASCU
MANILA, Philippines - Pinalakas ng multi-titled University of Manila ang kanilang kampanya para sa korona matapos iposte ang kambal na panalo laban sa Our Lady of Fatima University sa women’s at junior division ng 11th NAASCU basketball tournament sa UM gym sa Gastambide, Manila kahapon.
Hiniya ng defending women’s champion Lady Hawks ang Lady Phoenix, 73-51, habang pinayuko naman ng Hawklets ang Baby Phoenix, 88-79.
Tumapos si Josephine Lavalle ng 18 puntos at nag-ambag naman si Sweely Morona ng 15 puntos para sa lady Hawks na bumangon mula sa kanilang opening loss sa Centro Escolar University upang pagandahin ang kanilang kartada sa 1-1.
Naglista naman si Sharmaigne Sicat ng 15 puntos para sa Lady Phoenix.
Sa kabilang dako sumandig ang Hawklets sa balikat ni Ryanosuke Oka na nagposte ng game-high 32 puntos upang manatiling nagsosolo sa liderato sa torneong inorganisa ni NAASCU president Dr. Ernesto ‘Jay’ Adalem ng host school St. Clare College.
Sa iba pang laro, ginapi ng STI Colleges ang Informatics International Colleges, 98-85 at naungusan ng Trace Colleges ang New Era University, 83-78.
Bumandera sina John Roy Parina at Ervin Silverie sa Junior Olympians ni coach Raymond Tiongco na may 25 at 22 points.
- Latest
- Trending