MANILA, Philippines - Humugot ng mga panalo ang mga lahok ng host University of Perpetual Help System Dalta sa 87th NCAA beach volley para manatiling matibay ang paghahabol nila sa titulo.
Bumangon ang nagdedepensang Lady Altas mula sa paglasap ng unang kabiguan matapos ang anim na sunod na panalo sa kamay nina Gene Andaya at Manel Carolino ng Letran, 16-21, 19-21, nang kalusin nina April Ann Sartin at Norie Diaz sina Patricia Aquino at Kay Bacit ng Mapua, 21-11, 21-11.
Ang koponan sa men’s division na sina Marcelo Joaquin at Jay dela Cruz ay umukit din ng 21-11, 21-11, tagumpay laban kina Ralph Ocampo at Philip Bagalay ng Mapua para makapasok na sa semifinals.
“So far, so good,” wika ni league President at Policy Board chairman Anthony Tamayo ng UPHSD.
Nanatili namang walang talo ang Lady Knights nang kunin nina Andaya at Carolino ang 21-17, 17-21, 15-13, three-sets panalo laban kina Tim Casanova at Rosalinda Lualhati ng Lyceum.
Nakasalo naman sa Lady Altas sa 6-1 karta ang St. Benilde na binubuo nina Rossan Fajardo at Jannine Navarro na pinadapa sina Marjanette Echano at Joanna Clemente, 21-7, 21-16, ng Jose Rizal University.