MANILA, Philippines - Pinalawig ng Ateneo ang pagpapanalo sa 9-0 karta nang dugurin uli ang UST, 82-57, sa pagpapatuloy ng 74th UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
May 20 puntos si Nico Salva na kinamada lamang sa unang tatlong yugto bago ipinahinga ito papasok sa huling quarter matapos tanganan ng Eagles ang pinakamalaking kalamangan na 31-puntos, 68-37.
Ginamit na nga ni Ateneo coach Norman Black ang kanyang mga bench players pero hanggang 19 lamang ang pinakamalapit na dikit ng Tigers (57-76), dahil si Justin Chua ay naghatid ng 10 puntos at tinapos ng Eagles ang huling 10 minuto ng labanan sa bisa ng 6-0 bomba.
May 18 puntos nga sa laro si Chua habang si Ravena ay may 14 para sa Eagles na gumawa rin ng kahanga-hangang 28-of-31 shooting sa free throw line.
Nalaglag naman ang UST sa 4-5 karta at hindi nagkaroon ng pagkakataon na makipagsabayan sa Eagles nang maiwanan agad sa 0-7 start.
Anim na puntos nga lamang ang ginawa nila sa first period na tinapatan ni Emman Monfort para lumayo ang Eagles sa 15-6.
Kumamada naman ng anim na sunod na puntos si Salva habang anim din ang fast break points ni Ravena at ang Eagles ay matayog nang nakalayo sa 40-22 sa halftime.
Sa 9-0 karta, selyado na ng Eagles ang isang puwesto sa Final Four dahil nanalo ang dehadong UE sa La Salle, 76-69, sa unang bakbakan.
Nalaglag din ang Archers sa 4-5 karta at dahil magkikita pa sila ng Tigers sa second round kaya’t isa lamang sa koponang ito ang makakaabot ng hanggang 9 panalo.
May 19 puntos si Paul Zamar pero kinailangan ng Warriors ang clutch jumper at isang free throw ni John Michael Noble upang mabalewala ang paghahabol ng Archers mula sa 52-65 tungo sa pagdikit sa 64-70, may 1:46 sa orasan.
Ang panalo ay ikalawa lamang sa siyam na laro ng tropa ni coach Jerry Codiñera na pinatunayan na palaban pa rin sila lalo nga’t bago ang larong ito ay inilampaso sila ng National University, 51-91, sa huling labanan.