MANILA, Philippines - Kahit na walang basbas mula sa Philippine Olympic Committee (POC) at suporta mula sa Philippine Sports Commission (PSC) ay patuloy pa ring lalahok ang Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) sa mga international competitions.
Nanggaling ang Dragon Warriors ng PDBF sa pag-angkin sa limang gold at dalawang silver medals sa nakaraang 10th International Dragon Boat Federation World Championships sa Tampa, Florida.
Sinabi ni PDBF national director Nestor Ilagan na sasabak ang Dragon Warriors sa mga labanan sa Brunei, Singapore at Malaysia ngayong taon.
“The Filipino paddlers have been a force to reckon with in the world dragon boat scene this past many years and that distinction will stay,” wika ni Ilagan kahapon sa SCOOP Sa Kamayan weekly session sa Kamayan Restaurant-Padre Faura.
Sinabi pa ni Ilagan na hindi sila mapipilit ng POC at ng PSC na makiisa sa Philippine Canoe/Kayak Federation (PCKF).
“Pinipilit kaming ma-under sa canoe-kayak para umano sa bansa. Pero ang dragon boat at canoe-kayak ay talaga namang magkahiwalay na sports sa napakahaba nang panahon,” ani Ilagan.
Samantala, dahil sa hindi na kaya ng PSC ang mga pasaring sa kanilang hindi pagbibigay ng suporta sa Dragon Warriors ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) isang dialogue ang itinakda ni PSC chairman Richie Garcia sa Dragon Warriors at kay PDBF president Marcia Cristobal sa Agosto 24 sa PSC Boardroom sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.
Bukod sa POC at PDBF, makakasama rin ng PSC sa pag-uusap ang Philippine Canoe/Kayak Federation (PCKF).
Inulan ng kritisismo ang PSC at ang Philippine Olympic Committee (POC) bunga ng sinasabing hindi nila pagtulong sa Dragon Warriors nang sumabak ito sa Tampa, Florida.
Tinanggal ng POC ang PDBF bilang miyembro nang suwayin nito ang direktiba ng International Olympic Committee (IOOC) na sumanib sa PCKF.