MANILA, Philippines - Tiyak na may bagong palaruan ang UAAP men’s basketball sa pagpasok ng 75th season.
Ang ipinatatayong Mall of Asia Arena sa Pasay City ay matatapos sa bandang Mayo at puwede nang paglaruan ng UAAP na kung saan ang host school ay ang National University.
Itinuturing na ang MOA Arena ang pinakamalaking basketball venue sa bansa sa ngayon dahil may 20,000 seating capacity ito na mas malaki kumpara sa 15,000 seater ng Araneta Coliseum.
Ang NU ang dapat na host ng UAAP sa taong ito pero nakipagpalitan sila sa Ateneo dahil sa bagong venue na nais nilang paglaruan.
“We want to really prepare for our hosting and right now, I assure everyone that the opening ceremonies will be fantastic and the enthusiasm will rub off the audience,” wika ni Nilo Ocampo na NC director for purchasing at kasalukuyang UAAP vice president sa ginawang press conference para ipakita ang nasabing venue.
Inihayag naman ni NU athletics director Junel Baculi na ang palaruan ay isinunod sa Philips Arena na home court ng Atlanta Hawks sa NBA kaya’t tiyak na masisiyahan ang mga dadalo para manood ng mga UAAP games sa 2012.
Plano rin sa hinaharap na magdaos ng iba pang kaganapan sa MOA Arena upang mas makilala ito tulad ng Big Dome.