Lady Altas nabuhayan ng pag-asa para sa playoff
MANILA, Philippines - Sa likod nina Thai imports Piyatida Lasungnern at Wirawan Sattayanuchit, sinorpresa ng Perpetual Help ang Philippine Navy, 25-20, 25-23, 25-17, para makasilip ng tsansang makatulak ng isang playoff para sa ikaanim at huling quarterfinals seat sa Shakey’s V-League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Humataw sina Lasungnern at Sattayanuchit ng pinagsamang 33 hits para sa panalo ng Lady Altas sa Lady Sailors.
Makakatulak ang Perpetual ng isang playoff para sa No. 6 spot sa quarterfinals kung mabibigo ang Maynilad sa Philippine Air Force na inilalaro pa habang isinusulat ito.
Ang tagumpay naman ng Water Dragons sa Airwomen ang tuluyan nang magbibigay sa kanila ng No. 6 berth kasabay ng pagsibak sa Lady Altas.
Nagtala si Lasungnern ng 16 kills at may 12 attacks naman si Sattayanuchit para sa Perpetual, nakatikim ng kanilang kauna-unahang panalo matapos ang 0-5 panimula sa torneo.
Nagtumpok naman sina dating MVP Nerissa Bautista at Suzanne Roces ng pinagsamang 25 attacks para sa Navy kasunod ang 8 at 6 points nina Michelle Laborte at Cecile Cruzada, ayon sa pagkakasalansan.
Sa ikalawang laro, tinalo ng San Sebastian College ang Philippine Army, 25-21, 17-25, 25-19, 19-25, 15-12, para tumapos na may magkatulad na 5-1 rekord.
- Latest
- Trending