Tatapusin na
MANILA, Philippines - Ngayong gabi na nga ba matatapos ang pangarap ng Tropang Texters na makabilang sa Crispa, San Miguel at Alaska na nakakuha ng pambihirang Grandslam sa Philippine Basketball Association?
Tangan ang malaking 3-2 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series, pipilitin ng Petron Blaze na masambot ang kanilang pang 19th championship trophy sa pakikipagsagupa sa Talk ‘N Text sa krusyal na Game Six ng 2011 PBA Governors Cup ngayong alas-7 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Matapos isuko ang 105-132 kabiguan sa Tropang Texters sa Game Three para sa kanilang 1-2 agwat, kinuha ng Boosters ang 105-83 at 93-80 tagumpay sa Game Four at Five upang ilista ang 3-2 lamang sa kanilang serye.
“Pipilitin na naming makuha ito ngayon,” sabi ni coach Ato Agustin sa kanyang Petron na hindi binigyan ng pagkakataong malamangan sa serye ang Talk ‘N Text ni mentor Chot Reyes. “We have to grab this opportunity dahil leading na kami sa series.”
Inamin ni Reyes na malamang na hindi na niya gamitin si Jayson Castro, hinirang na Most Improved Player of the Year, dahilan sa MCL (medial collateral ligament) injury nito na lumubha sa Game Four.
“Actually, dapat nu’ng Game Four hindi na siya naglaro eh, kagaya ni Harvey Carey,” sabi ni Reyes sa dating kamador ng Philippine Christian University. “We don’t want to risk his basketball career, kaya hindi na namin siya paglalaruin.”
Ang 5-foot-9 na si Castro, hindi naglaro sa Game Five, ay nagposte ng mga averages na 17.8 points at 5.8 assists per game sa championship series.
Pangarap ng Tropang Texters, nagkampeon sa 2011 PBA Philippine Cup laban sa San Miguel Beermen at sa PBA Commissioner’s Cup kontra Ginebra Gin Kings, na makabilang sa mga Grandslam champions na Crispa (1976 at 1983), San Miguel (1989) at Alaska (1996).
“Our back is now against the wall. Hopefully, we fight as if our lives depend on it,” sabi ni Reyes.
Muling ibabandera ng Petron sina import Anthony Grundy, Best Player of the Conference Arwind Santos, two-time PBA Most Valuable Player Danny Ildefonso, Alex Cabagnot, Denok Miranda at Mick Pennisi katapat ang bagong import na si Maurice Baker, katulong sina 2011 PBA MVP Jimmy Alapag, Kelly Williams, Ranidel De Ocampo, Ryan Reyes at Larry Fonacier ng Talk ‘N Text.
Dahil sa naghihingalong kampanya para sa Grandslam, nagdesisyon ang Texters na palitan si Scottie Reynolds.
- Latest
- Trending