Perpetual kakana ng krusyal na panalo sa Navy
MANILA, Philippines - Nakasalalay sa kanilang panalo at kabiguan ng Maynilad ang kapalaran ng Perpetual Help para sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League Open Conference.
Determinadong manalo para makakuha ng isang playoff seat, sasagupain ng Perpetual ang Philippine Navy ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang salpukan ng Philippine Army at San Sebastian College sa alas-4 sa The Arena sa San Juan.
Sa huling laro sa alas-6 ng gabi, magtatagpo naman ang Maynilad at Philippine Air Force.
Tangan ng Army ang malinis na 6-0 rekord kasunod ang San Sebastian (4-1), Navy (4-1), Air Force (2-3), Ateneo De Manila University (2-4), Maynilad (1-4) at Perpetual (0-5).
Sakaling manaig ang Lady Altas sa Lady Sailors at matatalo naman ang Water Dragons sa Air Force spikers ay maitatakda ang isang playoff game sa pagitan ng Perpetual at Maynilad para sa pang anim at huling quarterfinals berth.
Sina Honey Tubino, Sandra delos Santos, April Sartin, Norie Diaz, April Hingpit, Bei Argarin at Thai imports Wirawan Sattayanuchit at Piyatida Lasungnern ang gagabay sa Lady Altas kontra kina dating Most Valuable Players Nene Bautista at Suzanne Roces kasama si veteran Michelle Laborte ng Lady Sailors.
Isang tropa lamang ang mapapatalsik papunta sa quarterfinals kung saan maglalaban sa isang single round robin ang anim na koponan na magdedetermina sa mga papasok sa Final Four.
Sa Final Four, haharapin ng No. 1 ang No. 4 at lalabanan ng No. 2 ang 3 para sa magtatagpo sa best-of-three championship series.
Samantala, sisikapin ng Army na mawalis ang eliminasyon sa pakikipagtipan sa San Sebastian.
Pangungunahan nina Michelle at Marietta Carolino ang Army tossers katulong sina Joanne Buñag, Mary Jean Balse, Dahlia Cruz at Rachel Ann Daquis.
- Latest
- Trending