MANILA, Philippines - Bilang pagkilala sa kabayanihan ng Dragon Warriors sa nakaraang 10th International Dragon Boat Federation World Championships sa Tampa, Florida, nagbigay ang ABS-CBN, ang nangungunang multimedia conglomerate, ng P1 milyon sa Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) team.
Sinabi ni ABS-CBN President at COO Charo Santos-Concio na ang salapi ay isang ‘token of appreciation’ para sa ‘hard work, perseverance and for bringing honor to our country” ng Dragon Warriors.
Pinasalamatan naman ni PDBF president Marcia Cristobal ang ginawang pagsubaybay ng ABS-CBN sa kanilang kampanya sa Tampa, Florida kung saan sila nakahakot ng suporta mula sa private at government sectors.
Limang gold at dalawang silver medals ang naiuwi ng mga paddlers mula sa 10th International Dragon Boat Federation World Championships.
Matapos alisan ng karapatan ng Philippine Olympic Committee (POC) na gumamit ng National Team logo at kawalan ng suporta buhat sa Philippine Sports Commission (PSC), halos hindi nakasali ang koponan sa nasabing kompetisyon.
Sa panayam ni ANC anchor Bill Velasco, sinabi ni PDBF coach at drummer Annabelle Tario na bumaha ang suporta sa kanila matapos isaere ni Dyan Castillejo sa kanyang ulat sa “Krusada” noong Hulyo 14.
Sa naturang documentary feature, itinampok ng “Sports Unlimited” anchor ang sakripisyo at paghihirap ng mga Dragon Warriors.