MANILA, Philippines - Magdedesisyon ang Smart Gilas Pilipinas kung sino sa kasalukuyang line-up ang isasama sa kanilang panibagong two-year program na tatampukan ng pagtarget sa isang tiket sa 2014 FIBA World Championship.
Ito ang sinabi nina Nationals manager Frankie Lim at Smart Sports at Maynilad senior vice president Patrick Gregorio.
“We're still discussing the plan for Smart Gilas for the next two years but we should be ready by tomorrow (ngayon),'” wika ni Lim.
“We'll probably know everything soon before the PBA draft,” sabi naman ni Gregorio.
Wala pa ring desisyon sina team captain Chris Tiu, JV Casio at ilang national players kung lalahok sa 2011 PBA Rookie Draft o patuloy na maglalaro sa Smart Gilas para sa asam na FIBA Worlds berths sa 2013 FIBA-Asia Championship.
Kinumpirma na nina Mark Barroca, Dylan Ababou at Jason Ballesteros ang kanilang pag-akyat sa PBA, habang nagsumite na ng kanilang aplikasyon sina Mac Baracael at Fil-Ams Chris Lutz at Marcio Lassiter.
Nakasalalay naman ang trabaho ni Smart Gilas coach Rajko Toroman sa magiging kampanya ng Nationals sa FIBA-Asia Championships na nakatakda sa Setyembre15-25 sa Wuhan, China na magdedetermina sa kakatawan sa Asya sa 2012 London Olympics.