Blazers, Generals magpapasolido sa No. 4 spot
MANILA, Philippines - Wakasan ang kampanya sa first round na palaban sa ikaapat na puwesto sa standings ang pakay ngayon ng St. Benilde at Emilio Aguinaldo College na magtutuos sa 87th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Magkakasalo ang Generals, Blazers at Jose Rizal University sa 3-5 karta pero ang mananalo sa larong itinakda ganap na alas-2 ng hapon ay sasalo sa pahingang Lyceum na nasa ikaapat na puwesto sa 4-5 baraha.
Inaasahang mangunguna sa Blazers si Carlo Lastimosa na nalimitahan lamang sa apat na puntos nang madapa ang koponan sa Arellano sa huling laban, 60-64.
Ang Generals naman ay nabigo rin sa huling laban kontra sa Letran 67-76, at tiyak na kakamada rin ang tulad nina Jan Jamon at Joshua Torralba upang tumibay din ang paghahangad na makapasok sa Final Four.
Ikalawang sunod na panalo naman ang target ng Chiefs sa pagbangga sa host University of Perpetual Help System Dalta dakong alas-4.
May 2-6 karta ang tropa ni coach Leo Isaac at kailangan nilang manalo para makaiwas na malaglag sa huling puwesto kung matatalo sa Altas.
Kailangang pumukpok ang Chiefs dahil ang Altas kahit may 1-7 baraha ay palaban lalo nga’t walang pressure sila kung naglalaro bunga ng katotohanang nasa huling puwesto sila sa liga.
Galing ang Altas sa 63-65 kabiguan sa Mapua na senyales na kaya nilang makipagsabayan sa bigating koponan sa liga.
- Latest
- Trending