MANILA, Philippines - Masusukat ang bagong tambalan na April Ann Sartin at Norie Diaz ng University of Perpetual Help System Dalta sa pagharap sa double header sa pagbubukas ngayon ng NCAA beach volleyball sa La Salle Greenhills sandcourt.
Unang laro ng Lady Altas ay laban kina Mary Jan Diane Ticar at Jeanilyn Lunar ng Arellano sa ganap na alas-9 ng umaga bago bumalik sa court dakong alas-2:20 ng hapon para sagupain sina Coline Malana at Janine Marciano ng San Beda College.
Si two-time MVP Keshia de Luna ang dating kakampi ni Sartin nang pinagharian ng UPDSD ang huling dalawang edisyon ng torneo.
Pero ibang kapareha na ang makakatambal ni Sartin dahil nagwakas ang playing year ni De Luna sa taong ito.
Ang mga posibleng maging karibal ng Lady Altas ay sina Gena Andaya at Manel Carolino ng Letran at Rossan Fajardo at Cindy Valencia ng host ng beach volley na St. Benilde.
Ang iba pang magdadala sa bandila ng Perpetual Help ay sina Jherald Martinez at Christopher Vhal Soriano sa juniors at Marcelo Joaquin at Sandy Montero sa men’s division.
Patok na makapagdomina sa men’s ay ang nagdedepensang Arellano na kakatawanin ng last year’s champions Chris Salvador at John Lozada.
“We are very much supportive of our team at we are confident they will be competitive and make the school proud,” ani league president Anthony Tamayo.