CHINESE TAIPEI - Nalagpasan ng Smart Gilas Pilipinas ang matinik na outside shooting ng Japan para kunin ang isang come-from-behind 94-78 victory at makatagpo sa semifinals ang reigning back-to-back champion Iran sa William Jones Cup kagabi dito sa Hsinjhuang Stadium, New Taipei City.
Nagtala si naturalized Marcus Douthit ng game-highs 32 points at 18 rebounds, habang umiskor ng dalawang mahalagang tres si Dondon Hontiveros sa fourth quarter para sa panalo ng Nationals.
Nakatakdang labanan ng Smart Gilas ang Iranians ngayong alas-7 ng gabi.
Humugot ang 34-anyos na si Hontiveros ng Air21 ng 12 sa kanyang 14 points sa final canto bukod pa ang kanyang mahigpit na depensa kay Keijuro Matsui, binanderahan ang mga Japanese sa kanyang 27 points.
Naglista ang 24-anyos na si Matsui ng 8-of-11 sa 3-point range para sa Japan, kasama na rito ang lima sa first half.
Samantala, tinalo ng Iran, sa likod nina Hamed Haddadi, Javad Davari at Saman Veisi, ang Jordan, 68-67, para makasama ang Korea sa semis.