Dragon Warriors mainit na sinalubong sa pagbabalik Pinas
MANILA, Philippines - Hindi iintindihin ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) ang anumang paratang at kritisismo laban sa kanilang Dragon Warriors na sumagwan ng limang gold at dalawang silver medals sa nakaraang 10th International Dragon Boat Championships sa Tampa, Florida.
“With the accomplishments we had, I think we don’t have reason to say anything against anyone right now,” wika kahapon ni PDBF president Marcia Cristobal. “We just want to enjoy our victory.”
Dumipensa ang Philippine Olympic Committee (POC) at ang Philippine Sports Commission (PSC) kaugnay sa sinasabi ng PDBF na kawalan ng suporta para sa Dragon Warriors.
Sinabi ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. na hindi nila kinikilalang miyembro ang PDBF dahil sa pagsuway nito sa direktiba ng International Olympic Committee (IOC) na sumanib sa Philippine Canoe/Kayak Federation (PCKF).
Bunga nito, hindi sila maituturing na national athletes kaya naman wala silang makukuhang cash incentives mula sa PSC, ayon kay chairman Richie Garcia.
“We are always open to talks. But we’ll make only one request --that they bring back PDBF’s NSA (national sports association) status. The PDBF should be the governing body of dragon boat in the Philippines,” sabi ni Cristobal.
Handa naman tanggapin ng PCKF ang dragon boat federation sakaling magdesisyon itong makiisa sa kanila.
Halos 60 porsiyento na ng PDBF ang miyembro ng PCKF na siyang kinikilalang NSAs ng POC at ng PSC.
Pinabulaanan rin nina Cojuangco at Garcia na walang nakukuhang tulong ang Dragon Warriors dahil ang 25 miyembro nito ay patuloy ang buwanang suweldo mula sa Philippine Army, Air Force at Navy.
Nagtungo ang Dragon Warriors sa Malacañang para sa isang courtesy call kay Presidente Noynoy Aquino.
Nakatakdang lumahok ang PDBF sa mga invitational tournaments sa South Korea, Singapore at Shanghai sa susunod na buwan at sa Asian Championships at Club Crew World Championships sa susunod na taon.
- Latest
- Trending