Pahigpitin ang kapit sa 3rd spot asam ng Letran

MANILA, Philippines - Hindi man makaha­bol sa unang dalawang puwesto, patatatagin na lamang ng Letran ang pag-okupa sa ikatlong puwesto sa pagpapatuloy ngayon ng 87th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.

Masusukat ang Knights sa inspiradong Emilio Aguinaldo College sa unang laro sa alas-2 ng hapon at puntirya na makuha ang ikaanim na panalo na magtitiyak ng pag-okupa sa ikatlong puwesto kahit matalo pa sa huling laro sa Jose Rizal University.

Papasok ang tropa ni coach Louie Alas mula sa di magandang 92-89 overtime panalo sa Lyceum na kung saan hindi naging consistent ang kanyang bataan.

“Hindi puwede ang ga­­nitong laro sa NCAA. Kailangang maipakita nila na talagang gusto nilang manalo,” wika ni Alas.

Kailangang manumba­lik ang sigla ng Knights dahil ang Generals ay papasok sa laban mataas ang kumpiyansa matapos ang 71-58 panalo sa host Univer­sity of Perpetual Help Dalta System.

Tinapos ng panalong ito ang tatlong sunod na ka­biguan at para kay coach Gerry Esplana, patunay ito na lalaban pa ang kanyang bataan.

“Magandang pumasok ka sa laro laban sa Letran na mula sa panalo. Ka­ilangan lamang na magkaroon kami ng good game ngayon at sa St. Benilde para lumakas ang paghahabol namin sa Final Four,” pahayag naman ni Esplana na nahigitan na ang dalawang panalo noong nakaraang taon sa kasalukuyang 3-4 karta.

Ang St. Benilde ay mag­tatangka naman na maitabla ang karta sa 4-4 sa pagharap sa minamalas na Arellano University.

May dalawang sunod na panalo ang Blazers upang makaakyat sa 3-4 karta pero malalaman ang epekto ng siyam na araw na pahinga sa pagbangga sa Chiefs na may limang sunod na kabiguan para masayang ang 1-1 pani­mula.

Show comments