Gold sa Pinoy paddlers sa World C'ships
MANILA, Philippines - Bagamat walang suportang natanggap mula sa Philippine Sports Commission (PSC), nagawa pa rin ng Philippine dragon boat team na maisubi ang gold medal sa Premier 1,000-meter event (small boat) ng 10th International Dragon Boat Federation (IDBF) World Championships sa Tampa Bay, Florida nitong Huwebes.
Nagtala ang mga Filipino paddlers, tinulungan ng Philippine Airlines at ng Cobra Energy Drink, ng record time na 4:57.13 sa event na inaasahan ring kanilang dodominahin.
“Parang ang nangyari, pinagbigyan namin sila ng kaunti sa 1,000 pero nakuha pa rin namin ang panalo,” ani team captain Usman Anterola, umaasang malalagpasan ang kanilang record-breaking victory sa 200 meters event sa 2009 world championships sa Prague.
Tinalo ng koponan sa 1,000m event ang mga tropa ng Australia (5:00.09, silver), Hungary (5:03.71, bronze) Italy at Trinidad at Tobago.
- Latest
- Trending