MANILA, Philippines - Umalis na nitong Lunes ng gabi ang Cobra-Philippine Dragon Boat Federation para lumahok sa 10th International Dragon Boat World Championships sa Tampa, Florida mula Agosto 3 hanggang 7.
“Naghanda kami talaga para sa labang ito at kahit na ano pa ang kondisyon ay handa ang mga bata,” ani head coach Nestor Ilagan.
Ang Pilipinas ay kampeon sa 200-meter men’s division sa huling dalawang world championships gamit ang record time.
Gumawa ng 42.16 segundo ang men’s team sa 2007 World Championships sa Sydney, Australia at sa 2009 edition sa Prague, Czech Republic ay nakapagsumite ng 40.02 segundo marka para mapanatili ang kampeonato.
Nagdomina rin ang Pilipinas sa mixed event sa 200m sa Prague para magkaroon ng dalawang gintong medalya.
Ang mga kasapi ng men’s team na nanalo sa 2009 ay nagbalik para pangunahan ang kampanya ng Pilipinas sa kompetisyong katatampukan din ng mga mahuhusay na rowers mula Canada, US, Germany, China, Australia at Czech Republic.
Bukod sa 200m ay lalahok din ang koponan sa 500m at 1000m distansya.
“We’re pleased that Cobra-PDBF now has the opportunity to win more titles, set more world records and bring more glory and honor for our country,” wika naman ni Mike Ngo ng Asia Brewery AVP for Marketing, Media and Budget.
Ang Philippine Air Lines ang siyang sumagot sa pamasahe ng koponang katatampukan ng 25 rowers habang ang Cobra Energy Drink naman ang sasagot sa gastusin, sa tutuluyan at pagkain.