Gadi, Vivas muling maghaharap para sa titulo ng PBaRS
MANILA, Philippines - Kapwa humataw sina Antonino Gadi at Paul Vivas ng impresibong panalo at isaayos ang kanilang ikalawang sunod na paghaharap para sa men’s Open singles crown sa MVP Sports Foundation-Bingo Bonanza Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) tournament sa Davao kahapon.
Ipinakita ni Gadi ang kanyang pagiging top seed nang kanyang pigilan ang mahigpit na labang ibinigay ng No. 4 na si Peter Magnaye sa first set, bago niya kinumpleto ang 21-19, 21-7 panalo at makarating sa finals ng men’s event kontra kay Vivas sa Wheels N More badminton courts.
Nakarating si Vivas sa finals ng walang kahirap-hirap matapos manalo sa bisa ng walkover kontra Joper Escueta, na nagretiro sanhi ng pagkakaroon ng cramps sa third set sa kanilang laban ni Rabie Jason Oba-ob sa U-19 quarters nitong Lunes.
Tinalo ni Gadi si Vivas, 21-17, 16-21, 21-12 sa Bacolod leg finals, gayunpaman, gigil na makabalik ang una bilang nangungunang manlalaro ng bansa sa third leg ng nationwide circuit na inorganisa at isinasagawa ng Philippine Badminton Association sa ilalim ni Vice President at PBA president Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman-sportsman Manny V. Pangilinan.
Sinelyuhan naman nina Gelita Castilo at Bianca Carlos ang kanilang paghaharap para sa women’s Open singles title matapos manalo sa semis.
Sinibak ni Castilo si Bianca Legaspi, 21-10, 21-10 habang pinatalsik naman ni Carlos si Fatima Cruz, 21-6, 21-15.
Samantala, umusad si Oba-ob sa finals ng boy’s U-19 matapos manalo kay Jeffrey Foronda, 21-16, 21-16 kontra 2nd seed Wilbert Natividad ng GSF, na lumusot naman kay Kevin Cudiamat, 21-19, 21-13.
- Latest
- Trending