MANILA, Philippines - Bago pa man maglaro ay aminado na si German coach Michael Weiss na mahihirapan nang manalo ang Philippine Azkals laban sa bigating Al-Azraq ng Kuwait sa kanilang ikalawang paghaharap sa second round ng 2014 FIFA World Cup Asian Qualifiers.
Tinalo ng Al-Azraq ang Azkals, 2-1, sa second leg kagabi sa Rizal Memorial Footblal Stadium para sa kanilang 5-1 aggregate patungo sa third round.
Iginupo ng Al-Azraq ang Azkals sa first leg, 3-0, sa Kuwait noong nakaraang Sabado ng gabi.
Nakuha ng Azkals ang 1-0 lamang mula sa goal ni Stephan Schrock, hindi nakalaro sa first leg bunga ng isang one-game suspension na kanilang natanggap ni team captain Aly Borromeo dahil sa kanilang yellow card sa 5-1 aggregate win ng koponan kontra Brave Reds ng Sri Lanka noong Hunyo, sa 48th minute bago matapos ang first half.
Naitabla naman ni Yousef Al Sulaiman ang Al-Azraq sa 1-1 sa 61st minute ng second half kasunod ang ikalawang goal ni Walid Ali sa 84th minute para sa kanilang 2-1 abante.
Ginamit ni Weiss sa kanyang starting line-up sina Schrock, Borromeo, Neil Etheridge, Anton Del Rosario, Rob Gier, Ray Jonsson, Chieffy Caligdong, Manny Ott, Angel Guirado at ang magkapatid na Phil at James Younghusband.
Sina Sulaiman, Musaed Neda at Fahed Al-Ibrahim ang umiskor sa 3-0 tagumpay ng Al-Azraq kontra Azkals sa first leg sa Kuwait.
Pinuri naman ni Serbian mentor Goran Tufegdzic ng Kuwait ang ipinakita ng Azkals ni Weiss.
“They gave their best. But I’m very happy that we won this leg,” ani Tufegdzic, tumayong coach ng Kuwait simula noong 2009 kung saan niya iginiya ang Al Azraq sa korona ng Gulf Cup of Nation at West Asian Cup noong nakaraang taon at sa top spot sa Four Nations International Football Tournament sa Jordan nitong Hulyo.
Bunga ng kabiguang ito, nahulog na ang posisyon ng Philippine Azkals sa FIFA World Ranking.
Mula sa dating pagiging No. 159 ay bumagsak sa No. 162 ang puwesto ng Azkals sa pinakabagong FIFA World Ranking.
Kumpara sa Azkals, umakyat naman sa FIFA World Ranking ang Al-Azraq sa kanilang pagiging No. 95 buhat sa dating posisyong No. 102. Ang pinakamataas na ranking na nakuha ng Kuwait ay No. 24 noong 1998.