Maikling press tour hirit ni Pacman

MANILA, Philippines - Gusto ni Manny Pacquiao na maikli lamang ang kanilang magiging press tour ni Juan Manuel Marquez.

“Sana iklian na lang nila,” wika ng Filipino pound-for-pound champion.

Ang dahilan kung bakit gusto ni Pacquiao na maikli lamang ang kanilang press tour ni Marquez ay dahilan sa kanyang live hosting para sa kanyang bagong game show sa TV.

Ang press tour para sa laban nila ni Marquez sa Nobyembre 12, ayon kay pro­moter Bob Arum, ay magsisimula sa Setyembre 3 sa Araneta Coliseum.

Kasunod nito ay ang New York, Los Angeles at Mexico City. Inalis na sa original plan ang mga biyahe sa London at isa pang Asian country.

Ang bagong game show ni Pacquiao na “Manny, Many Prizes” ay live na ipi­na­lalabas sa GMA-7 tuwing Sabado.

“We’ll be at the Araneta Coliseum in the morning and then I can host my show in the evening. Then we leave the following mor­ning for New York,” sabi ni Pacquiao.

Kung ipipilit ni Pacquiao, kailangan ni Arum na putulin ang kanilang press tour sa New York, LA at Mexico City sa loob ng limang araw.

“Maybe it can be done,” sabi ni Pacquiao. “So, I can fly home on Thursday, and be here on Saturday, just in time for the show.”

Show comments