Fortuna unang ACCEL-316 UAAP PoW
MANILA, Philippines - Wala na si Clark Bautista sa UST pero hindi ramdam ito ng koponan dahil sa mahusay na inilalaro ni Jeric Fortuna.
Si Fortuna ay naghahatid ng 17.5 puntos, 4 rebounds at 5 assists para bigyan ang Tigers ng nakakagulat na 2-0 karta at makasalo sa 3-peat champion Ateneo sa liderato ng liga.
Dahil rito, si Fortuna ay hinirang bilang kauna-unahang ACCEL-316 UAAP Press Corps Player of the Week na suportado rin ng Gatorade.
“Walang duda na made na talaga si Jeric. Ako ang kumuha sa kanya at mula pa nang pumasok siya sa team ay patuloy ang improvement niya. Kaya nga para sa akin ay siya ang isa sa pinakamahusay na pointguard sa taong ito,” wika ni UST coach Alfredo Jarencio.
Sinimulan ni Fortuna ang paglalaro sa liga sa pamamagitan ng 23 puntos, 6 rebounds at 2 assists sa 39 minutong paglalaro para kunin ang 73-72 overtime panalo laban sa mas pinaborang National University.
Si Fortuna ang kumumpleto sa dalawang mahalagang opensa ng Tigers sa regulation at overtime para sirain ang hangad na magandang debut ng Fil-Am na si Bobby Ray Parks Jr. ng Bulldogs.
Ang tres ni Fortuna ang nagpatabla sa regulation play sa 65-all habang ang kanyang drive ang nagtulak sa UST sa 73-72 kalamangan.
Hindi man kasing-init ang opensa, si Fortuna ay mahalagang parte pa rin ng ikalawang sunod na panalo laban sa UE, 70-63.
Ibinagsak nga ng dating manlalaro ng La Salle Zobel ang lahat ng 12 puntos sa second half upang samahan ang kanyang 8 assists sa laro.
Ang mga nakaribal ni Fortuna sa lingguhang parangal mula sa sportswriters ng pangunahing tabloids at broadsheets ay ang mga mahuhusay na rookies na sina Greg Slaughter at Kiefer Ravena ng Ateneo, kakamping si Kevin Ferrer at si Parks.
- Latest
- Trending