3rd win pakay ng SBC Red Lions kontra Arellano Chiefs
MANILA, Philippines - Nananalig si San Beda coach Frankie Lim na hindi mababawasan ang intensidad ng laro ng kanyang tropa matapos ang dalawang tambakang panalo na nagbukas sa title defense sa 87th NCAA men’s basketball.
“You can’t come out flat against any team in this league. I want to see their effort,” wika ni Lim.
Kalaro ng Red Lions ang on and off na Arellano University ngayong alas-3 ng hapon at aasintahin ng koponang winalis ang liga noong 86th season ang ikatlong sunod na tagumpay para makasalo muli sa pahingang San Sebastian at Letran na may magkatulad na 3-0 karta.
Masasabing pinakamabangis na koponan ang Red Lions matapos ang 25-point winning average na naiposte laban sa host University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) at Lyceum of the Philippines.
Ang Arellano naman ay nangangapa sa kanilang porma at iniinda ang mahinang rotation para magkaroon lamang ng 1-2 baraha.
“They (Chiefs) are a zone playing team just like Lyceum and we have to be ready just like what we did in our last game,” dagdag pa ni Lim.
Mapigil ang dalawang sunod na kabiguan ang hanap naman ng Mapua at Lyceum sa kanilang pagtutuos sa ganap na alas-11:45 ng tanghali.
Ang Cardinals na isa sa paborito ay hindi pa pinalad na makapasok sa win column matapos ang unang dalawang laro, habang tabla naman sa 2-2 ang baraha ng Pirates.
- Latest
- Trending