MANILA, Philippines - Matapos makita ang kalidad ng ibang karibal sa South East Asia ay kumbinsido ang pangulo ng PATAFA na si Go Teng Kok na kayang pangunahan uli ng kanyang bataan ang lahok ng Pilipinas sa 26th SEA Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Binibilang ni Go ang halos pitong sure gold medalist ng kanyang delegasyon dahil wala pa rin umanong makakatalo sa mga ito base sa mga ipakita ng mga ito at ng mga magiging karibal sa mga kompetisyon sa labas ng bansa.
Ang pitong ito ay sina Eduardo Buenavista at Joan Banayag ng marathon, Danilo Fresnido at Rosie Villarito ng javelin, Marestella Torres ng women’s long jump, Rene Herrera ng 3000m steeplechase at SEA Games record holder Arniel Ferrera sa hammer throw.
Sina Torres, Herrera, Villarito, Fresnido at Ferrera ay inilaban sa katatapos na Asian Athletics Association Championships sa Kobe, Japan at kahit bigo sila sa hangaring medalya ay sila naman ang lumabas bilang pinakamahusay sa South East Asia sa kanilang events.
Ang pitong atletang ito ang siya ring mga nanalo ng ginto sa Laos SEA Games upang tulungan ng athletics team ang kinuhang 38 ginto bukod pa sa 35 silver at 51 bronze medals ng pambansang delegasyon.
“Makikita naman agad kung sino ang puwede at saan events. Kung susuwertehin pa tayo ay kaya pa nating manalo ng nine gold medals,” wika ni Go.
Ang mga ikinokonsidera sa iba pang ginto ay ang men’s long jumpers Henry Dagmil at Joebert Delicano at si Narcisa Atienza sa hepthatlon.
May mga bagong mukha rin ang hinuhubog sa ngayon ng PATAFA at posibleng pagdating ng SEA Games ay handa na rin sila para makapanorpresa.