MANILA, Philippines - Pangungunahan ni Dennis Orcollo ang walong pambato sa pool ng Pilipinas na kakampanya sa Asian Pocket Billiard Union (APBU) Guinness World Series of Pool 10 ball tournament na gagawin sa Mal Taman Anggrek sa Jakarta, Indonesia.
Makakasama ni Orcollo sa kompetisyong itinakda mula Hulyo 13 hanggang 17 sina Roberto Gomez, Carlo Biado, Jundel Mazon, Warren Kiamco, Jech Jech LImen, John Salazar at Jeffrey de Luna na pilit na tutulungan si Mazon na matiyak na hindi mawawala ang titulo ng torneo sa bansa.
Si Mazon ay siyang nagkampeon sa nagdaang edisyon at tinalo niya si Irsal Nasution ng Indonesia para makamit ang $40,000 unang gantimpala.
Si Orcollo ay lumahok din pero noong nakaraang taon at tumapos lamang siya sa pagsalo sa mula ika-9 hanggang 16th puwesto para sa $800 gantimpala.
Malaki ang tsansa na mahigitan ni Orcollo ang naipakita sa taong ito matapos ang magagandang inilalaro sa mga naunang kompetisyon.
Hinirang siyang kampeon ng World 8-Ball Championship bukod pa sa Derby City Classic 9-ball division at tumapos din sa ikatlong puwesto sa World 9-Ball Championship.
Sa kabuuan, si Orcollo ay nangunguna sa talaan ng kinita na sa $81,740 premyo at numero uno rin siya sa hanay ng World Pool Association (WPA).
“Laban naman ako lagi sa mga sinasalihan ko. Pero okey naman sa akin na iba ang manalo basta Filipino,” wika ni Orcollo.
Kasama ni Orcollo at Mazon sa main draw habang sina Gomez, Biado, Kiamco, Limen, Salazar at De Luna ay dadaan muna sa qualifying tournament na gagawin sa Kenari Billiard Hall.