U23 team na isasabak sa SEAG, palalakasin ng PFF
MANILA, Philippines - Palalakasin ng Philippine Football Federation (PFF) ang kanilang under 23 team na ilalahok sa 2011 Southeast Asian Games sa Indonesia.
Wala nang problema sa hosting ng football sa Indonesia matapos ang kawalan ng suspension sa nasabing bansa ng FIFA nang makapagdaos ng maayos na eleksyon ang Indonesia football federation.
Ayon sa pangulo ng PFF na si Mariano Araneta, may inilaan ng pondo ang NSA para sa paghahanda at pagsasanay ng U23 team sa SEA Games.
Plano nga ng PFF na magsagawa ng mga training camps sa alinman sa Middle East o Japan para sa pool na bumibilang ng 40 katao at binubuo ng mga homegrown at Fil-Foreign players na edad 23 pababa.
Ang mga Azkals na sina Simon Greatwich at Jason de Jong ang maaari pang masama para sa SEA Games team upang matiyak na may mabubuong malakas na koponan ang Pilipinas para sa SEA Games.
Si Azkals coach Michael Weiss ng Germany at team manager Dan Palami ang mamamahala rin sa SEA Games team na kung saan ang Pilipinas ay maghahangad ng kauna-unahang medalya sa larong football.
Mataas ang pag-asa sa mabubuong koponan dahil sa malaking tagumpay na tinamo ng Azkals nang kanilang talunin ang Sri Lanka sa 1st round ng 2014 World Cup Asian Qualifier kamakailan.
- Latest
- Trending