MANILA, Philippines - Bunga ng kabiguang magpatawag ng bagong eleksyon, sinuspinde ng AIBA, ang boxing world governing body, ang Thailand.
Hindi tinanggap ng AIBA ang idinaos na eleksyon ng Thailand boxing association noong Marso kung saan nailuklok si General Narin Tabprasit bilang presidente kapalit ni General Taweep Jantarok.
Dahilan sa sinasabing anomalya, sinuspinde ng AIBA ang Thailand kasabay ng pagba-ban kay Taweep sa lahat ng AIBA-sanctioned boxing activities sa loob ng dalawang taon.
Isang one-year ban rin ang ipinataw ng AIBA kay Narin.
Kung mananatili ang naturang suspensyon hanggang sa katapusan ng 2011 ay magiging pabor ito sa Pilipinas sa darating na 26th SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 11-25 sa Palembang at Jakarta, Indonesia.
Ikinatuwa naman nina Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) secretary-general Patrick Gregorio at executive director Ed Picson ang naturang ulat mula sa AIBA.
Ayon kina Gregorio at Picson, nagsasanay ang mga national boxers para sa biennial meet kahit na maglaro pa ang Thailand.
“With or without Thailand in the SEA Games, our Filipino PLDT-backed boxers are ready to compete because our main goal is to surpass our five-gold haul in the 2009 Laos Games,” wika ni Gregorio.
Ang Thailand ang palagiang karibal ng bansa sa SEA Games.
Ang pagkakasuspinde sa Thailand ay nakaapekto sa kanilang paglahok sa President’s Cup sa Indonesia at posible ring hindi sila makapagpadala ng koponan sa World Championship sa Azerbaijan sa Setyembre na magiging hadlang sa kanilang tangkang pagsungkit ng puwesto para sa 2012 London Olympics gayundin sa Palembang Games.