JAKARTA, Indonesia-- Dalawang gold, dalawang silver at dalawang bronze medals ang sinikwat ng PLDT-ABAP national team mula sa paglahok sa 21st President’s Cup.
Magiting na nakipagsabayan ang naturang nine-man team laban sa halos 200 boxers na nanggaling sa 28 bansa.
Ang unang ginto ay sinuntok ni Josie Gabuco matapos gitlain si Gui Jing Shan ng China sa women’s 48 kilogram division.
Bumangon si Gabuco mula sa pagkakaiwan sa unang tatlong rounds bago agawin ang 14-11 tagumpay.
Kinuha naman ni Nesthy Petecio ang ikalawang gintong medalya ng bansa nang igupo si Vietnamese bet Le Thi Bang, 19-12, sa 51 kg class.
Nagkasya naman sa silver medal si Ian Clark Bautista nang yumukod kay Naoya Inouye ng Japan, 10-27, sa 49 kg category.
Ito rin ang nakamit ni Charly Suarez matapos mabigo kay Cen Yu ng China, 17-19, sa men’s 60 kg department.
Bukod sa mga gold medals nina Gabuco at Petecio at mga silver finish nina Suarez at Bautista, nagbigay naman ng bronze medal sina Analisa Cruz (51 kg) at Nathaniel Montealto (64 kg).