MANILA, Philippines - Isang makasaysayang opening ceremony ang gagawin ngayon upang lagyan agad ng kinang ang inaasahang makulay na pagbubukas sa 74th UAAP season.
Ang Marikina Sports Park ang siyang lugar na gagamitin ng liga para pagtagpu-tagpuin ang inaasahang 5,000 atleta, opisyal at bisita tungo sa kauna-unahang Olympic style opening ceremony ng UAAP.
Ang host Ateneo sa pangunguna ni Ricky Palou na siyang chairman ng UAAP board ang nagsumigasig na maisagawa ang ganitong seremonya na katatampukan ng pagparada ng mga atleta mula sa walong kasaping paaralan na maglalaro sa 15 sports na lalaruin sa taong ito.
Dati ay sa mga basketball players lamang nakasentro ang opening at hindi nabibigyan ng focus ang ibang sports events na nilalaro sa buong taon.
Buhos ang Ateneo sa pagsuporta sa pagtatanghal dahil kasama sa mga magtatanghal ang kanilang cadets na siyang magpapasok ng 60 feet x 30 feet na Watawat ng Pilipinas bukod pa sa pagtatanghal ng 30-piece Blue Symphony, Company of Ateneo Dancers, Ateneo Junior Marketing Association Dancers, Ateneo Residence Students Association Dormers Dancers, Indak at Ateneo Boy’s Choir, Glee Club at Chamber Singpers at 165-kataong Blue Babble Battalion.
Todo suporta rin ang ibinibigay ng ibang kasaping paaralan at ang UST na siyang palagiang nananalo ng overall championships, ay may 627 kinatawan; ang UE ay mayroong 512, ang UP ay mayroong 425, La Salle ay mayroong 417, Adamson ay mayroong 300, FEU ay mayroong 300 at ang National University ay mayroong 260.
Mangunguna naman sa pagparada ang dating basketbolista ng Ateneo at PBA na ngayon ay coach na ng Philippine Youth team na si Olsen Racela.
Inaasahang makikiisa rin ang mga local officials ng Marikina City sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman at Representatives Marci Teodoro (First District) at Miro Quimbo (Second District) at sasamahan ang mga kasapi pa ng UAAP board na sina Adamson’s Rev. Fr. Maximino Rendon, CM, at Maria Luisa Isip, Ateneo’s Palou at Fernandez, De La Salle’s Edwin Theodoro Reyes at Noel Buenaventura, FEU’s Antonio Montinola at Jocelyn de Leon, NU’s Jose Nilo Ocampo at Edmundo Baculi Jr., UE’s Carmelita Mateo at Rodrigo Roque, UP’s Dr. Caesar Saloma at Dr. Leilani Gonzalo at UST’s Rev. Fr. Ermito de Sagon, OP, at Gilda Ma. Paz Kamus.
Bukas naman opisyal na bubuksan ang bakbakan sa men’s basketball sa pagkikita ng FEU at La Salle at Ateneo at Adamson sa Araneta Coliseum.