Manila, Philippines - Tinapos na ng Asian Pool Billiard Union (APBU) ang problema sa liderato sa Billiards Snooker Congress of the Philippines (BSCP) nang kanilang kilalanin ang grupo ni Arturo “Bong” Ilagan bilang lehitimong pangulo.
Naunang nakipagtagisan si Ilagan kay Sebastian Chua na pinuno ng isang paksyon ng BSCP pero nawala si Chua sa talaan ng APBU dahil sa patuloy na pagkilala sa katunggali ng Philippine Olympic Committee (POC).
Sa liham ng APBU na nagbibigay ng pagkilala sa kampo ni Ilagan, malinaw na nakasaad dito na isa sa batas ng APBU para sa grupong nais kilalanin ng international body ay ang rekognisyon mula sa kanilang National Olympic Committee.
Bago ito, ay nagtungo muna si BSCP chairman Aristeo Puyat at secretary general Robert Mananquil sa APBU General Assembly nitong Marso sa Taoyan, Taiwan at kanilang ipinakita ang basbas ng POC.
“We presented the POC letter of recognition and APBU accepted it,” wika ni Mananquil sa isang panayam.
Maliban sa APBU, kinilala na rin ang liderato ni Ilagan ng Asian Confederation of Billiard Sports (ACBS) na siyang IF sa larong carom, at ng World Pool Association (WPA).
Bunga ng bagong desisyon ng APBU, si Ilagan na ang mangangasiwa sa pagpapadala ng Pambansang koponan sa mga international tournaments.