Manila, Philippines - Matapos si US President Barrack Obama, si Pope Benedict XVI naman ang posibleng makausap ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao sa Vatican.
Ito ang inihayag kahapon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa isang panayam hinggil sa maaaring pagkikita nina Pacquiao at Pope Benedict XVI matapos si Obama sa White House noong Marso.
Ang Sarangani Congressman ay kontra sa Reproductive Health Bill na inaasahang ikatutuwa ng Santo Papa.
“I knew the Holy See has to be very pleased with Pacquiao's stance on birth control and his opposition to passing out condoms,” ani Arum.
Nauna nang nakausap ni Pacquiao si Obama sa White House noong Marso sa pamamagitan ni Sen. Harry Reid, isang matalik na kaibigan ni Arum na ikinampanya ni 'Pacman’ noong nakaraang eleksyon sa United States.
Ayon kay Arum, ang tamang panahon ang siyang maaaring makapagtakda ng pagkikita nina Pacquiao at Pope Benedict XVI.
Nakatakdang idepensa ni Pacquiao ang kanyang dalang WBO welterweight title laban kay Juan Manuel Marquez sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Isang global tour ang pinaplano ni Arum para sa naturang trilogy nina Pacquiao at Marquez simula sa Quirino Grandstand sa Luneta sa huling linggo ng Agosto bago ito dalhin sa Singapore, Abu Dhabi at United States at ang pagtatapos sa Mexico City.