Manila, Philippines - Nakatutok ang Tigers sa kanilang ikalawang sunod na panalo, samantalang magtatangka namang makabangon mula sa kanilang mga kabiguan ang Gin Kings, Aces at Express.
Nakatakdang harapin ng Powerade ang Alaska ngayong alas-5:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng Barangay Ginebra at minamalas na Air21 sa alas-7:45 ng gabi sa elimination round ng 2011 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.
Kasalukuyang tangan ng Talk 'N Text ang liderato sa kanilang 4-1 baraha kasunod ang Petron Blaze (4-2), Rain ort Shine (3-2), Meralco (3-2), Ginebra (2-2), B-Meg (3-3), Alaska (2-3), Powerade (2-3) at Air21 (0-5).
Nagmula ang Tigers sa malaking 98-96 paglusot sa Elasto Painters noong Hulyo 3, samantalang isang 81-82 kabiguan naman ang nalasap ng Aces sa Boosters.
Sa naturang paggupo sa Rain or Shine, humakot si 6-foot-6 import Chris Porter ng 25 points at 24 rebounds, samantalang tumipa si Gary David ng game-high 28 markers para sa kanyang ikalawang paglalaro matapos ang injury.
“In the next three games I hope we can find it from ourselves to believe we are still in contention. I hope that stays in the head of my players,” ani Perasol sa kanyang Tigers.
Sa ikalawang laro, pipilitin naman ng Gin Kings na makabawi mula sa kanilang 113-123 pagyukod sa Tropang Texters noong Hulyo 1 sa Dubai, United Arab Emirates kung saan nagkaroon ng masamang karanasan ang Talk 'N Text matapos pigilang makauwi sa Pilipinas bunga ng kabiguan ng promoter na bayaran ang kanilang hotel bills at return tickets.
Nalasap naman ng Express ang kanilang pang apat na sunod na kamalasan nang matalo sa Bolts, 86-93, noong Hulyo 6.