3 bronze sigurado na sa 3 Pinoy boxers
JAKARTA, Indonesia--Sumungkit pa ng mga panalo sina Ian Clark Bautista, Nathaniel Montealto at Nesthy Petecio upang makatiyak na ng bronze medals sa idinadaos na 21st President’s Cup sa Senayan Indoor Stadium dito.
Pinakamakinang ang panalo ni Bautista dahil ang 16 anyos na bagong sabak sa labas ng bansa ay sinilat ang European champion Alexander Somoilov ng Russia.
Mabisang sandata ni Bautista ang kanyang bilis at liksi sa ring upang maitala ang 13-5 panalo kay Somoilov para makuha ang bronze medal.
Mahigpitan naman ang tagisan nina Montealto at Indonesian Vinky Montolu pero sa huling yugto itinatak ng Pinoy pug na beterano sa World Youth Boxing Championship ang kanyang marka tungo sa 11-8 tagumpay.
Bago ito ay tabla ang una at ikalawang round sa 4-all at 7-all pero mas naging agresibo si Montealto para makaabante sa semifinals sa 64-kilogram division.
Si Petecio na ikatlong lady boxer sa koponang ipinadala ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) ay nakapagdomina laban kay Shinetsetseg Davaasuren, 32-4, para umusad sa 54 kilogram habang ang beteranong si Charly Suarez ay kumulekta ng kanyang unang panalo sa 64-kilogram sa pamamagitan ng 14-6 tagumpay kay Kenji Fujita ng Japan.
Minalas naman si Nico Magliquian na matanggal na sa kompetisyong nilalahukan ng 28 koponan nang matalo kay Nguyen Van Hai ng Vietnam, 19-9, sa 56-kilogram division.
Magtatangka naman sina Suarez, at mga lady boxers Josie Gabuco at Analisa Cruz na madagdagan pa ang bronze medals ng Pilipinas sa pagsabak sa kanilang mga quarterfinal matches.
- Latest
- Trending

















