MANILA, Philippines - Solo liderato ang hanap ng Lyceum, habang unahan sa pagbangon matapos ang masakit na kabiguan ang asam naman ng Jose Rizal University at Arellano sa 87th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan.
Ang Pirates ay makikipagsukatan sa host University of Perpetual Help System Dalta sa ganap na alas-2 ng hapon at sasandalan nito ang kinuhang 75-63 panalo sa St. Benilde.
Galing naman sa 52-82 kabiguan ang Altas sa nagdedepensang San Beda at kailangang kakitaan ng sigla ang host team upang matapatan ang inaasahang inspiradong laro ng bataan ni coach Bonnie Tan.
Nasali ang Lyceum matapos gawing guest team upang maging ikasampung koponan sa taong ito.
Maaksyong tagisan sa pagitan ng Heavy Bombers at Chiefs ang magaganap sa tampok na laro sa alas-4 ng hapon dahil mag-uunahan ang dalawang koponan na mapasok sa win column.
Nangapa ang Bombers, pumasok sa Final Four sa huling tatlong taon, sa kanilang porma nang tanggapin ang 67-73 kabiguan sa mga kamay ng San Sebastian, habang ang Chiefs ay ginulat naman ng Emilio Aguinaldo College, 77-84.