Orcollo una pa rin sa WPA ranking
MANILA, Philippines - Napanatili ni Dennis Orcollo ang pangunguna sa WPA men’s pool ranking matapos ang malakas na paglalaro sa World 9-ball Championship sa Doha Qatar.
Umabot hanggang semifinals si Orcollo bago natalo sa kababayang si Ronato Alcano upang makakuha ng 640 puntos at manatiling number one sa kabuuang 2,510 puntos.
Pero nagsisimula ng magparamdam ang mga dayuhan sa hangaring maagaw ang pinagnanasaang number one spot dahil sa pagbabago sa mga sumunod na puwesto.
Si Yukio Akakariyama na naghari sa World 9-ball tungo sa 1000 puntos ay lumundag mula sa ika-13th puwesto tungo sa ikalawa sa kabuuang 2100 puntos.
Solido ang inilaro ni Akakariyama sa huling tatlong malalaking torneo na binibigyan ng WPA puntos dahil umani siya ng 640 nang pumasok sa semifinals sa World Ten Ball Championship sa Pilipinas at pumang-anim sa China Open para sa 250 puntos.
Ang dating nasa ikalawa na si Alcano na siyang tinalo ni Akakariyama ay nalaglag sa ikatlong puwesto sa 2063 puntos habang si Darren Appleton at Chris Melling ng Great Britain ang nasa ikaapat at limang puwesto sa 1,709 at 1,625.
Sina Huidji See ng Netherlands (1566), Chang Jun-lin ng Chinese Taipei (1555), Lee Van Corteza ng Pilipinas (1501) at Thorsten Hohmann ng Germany (1,410) ang siyang nasa 6th hanggang 9th place.
Huling torneo na gagamitin para madeteramina ang WPA number one player ng 2011 ay ang US Open sa Oktubre.
- Latest
- Trending