4-Peat 'di magiging madali - Black
MANILA, Philippines - Ayaw ni Ateneo coach Norman Black na sabihin na madali ang hangaring four-peat sa men’s basketball sa 74th UAAP season.
“I’m hoping that we will be competitive again. I expect this year to be an interesting year and a tough year,” wika ni Black nang dumalo sa paglulunsad ng UAAP kahapon sa Gateway Suites sa Araneta Center.
May 11 manlalaro na nakatulong sa kampanya sa 73rd season ang babalik at pinalakas sila ng paglalaro nina Greg Slaughter at Kiefer Ravena.
“We’re not looking past our opponents because we’re taking it one game at a time. Goal is to win our first game and get into the Final Four,” ani pa ni Black.
Wala ngang puwang para sa salitang kumpiyansa dahil ang ibang koponan ay nagpahayag din ng paniniwalang may ibubuga sa taong ito.
Ang La Salle ang isa sa nagpalakas dahil papasok na sa taong ito ang mga higanteng sina Norberto Torres, Ponso Gotladera at Arnold Van Opstal bukod pa sa rookie guard Roldan Sara.
“Mas competitive kami ngayon. Dati kasi ay hirap kami kapag malaki ang kalaban namin. Ngayon makakasabay na kami at naroroon pa rin ang speed at depensa,” wika ni Dindo Pumaren.
Ang Adamson ay magpaparada rin ng beteranong line-up na naghatid sa Falcons sa Final Four habang ang FEU na hahawakan ng nagbabalik na coach Bert Flores ay sasandal kina MVP RR Garcia, Rookie of the Year Terrence Romeo at mga Gilas players JR Cawaling at Aldrech Ramos para makabalik sa semifinals.
Hindi naman padadaig ang National University ng nagbabalik na UAAP coach Eric Altamirano dahil nasa koponan si Bobby “Ray Ray” Parks upang makatambal ni Emmanuel Mbe.
Ang UE, UST, at UP na 0-14 noong nakaraang taon ay tiwala rin sa kanilang tsansa at ang Maroons na hawak ni Ricky Dandan ay kakikitaan ng positive attitude para ibangon ang koponan.
Si rookie coach Jerry Codinera naman ang tinapik para hubugin ang Warriors na nawalan ng walong players sa pangunguna ni Paul Lee habang hinugot naman ng UST ang juniors MVP na si Kevin Ferrer at 6’6” Cameroonian Karim Abdul para lumakas ang koponan.
Ang laro ay magsisimula sa Hulyo 10 sa Araneta Coliseum sa pagkikita ng FEU at La Salle sa ganap na ika-1 ng hapon at Ateneo vs Adamson dakong alas-3 ng hapon.
- Latest
- Trending