MANILA, Philippines - Pinangunahan ni dating double world champion Ronato Alcano ang apat na Pinoy na nagsipanalo sa kanilang mga laro sa winners’ group sa pagpapatuloy ng 2011 World 9-Ball Championship group eliminations kagabi sa Al Sadd Sports Club, Doha, Qatar.
Si Alcano ay nangibabaw kay Hamzah Al Saeed ng Kuwait, 9-5, sa Group L match upang manatiling kabilang sa winner’s group.
Nanalo rin sina Antonio “Nikoy” Lining, Jeffrey De Luna at Allan Cuartero para manatiling matibay ang hangaring makapasok sa Last 64.
Umabot sa 128 bilyarista sa buong mundo ang nagtatagisan sa group elimination na kung saan ang mga manlalarong ito ay hinati sa 16 na grupo na binubuo ng walong manlalaro.
Double elimination ang format at ang dalawang manlalaro sa winner’s group at dalawa pa sa loser’s group ay aabante sa knockout elimination.
Si Lining ay nanalo kay Liu Cheng Cheih ng Chinese Taipei, 9-4, sa Group P habang 9-4 tagumpay naman ang kinuha ng Doha Asian Games silver medalist De Luna kay Abdulwahed Jamil Hussain ng United Arab Emirates sa Group H.
Isang 9-5 tagumpay naman ang hinugot ni Cuartero laban kay Mohamad Al Sofi ng Syria sa Group L.
Palaban pa rin naman sina Antonio Gabica, Lee Van Corteza, Roberto Gomez, at Joven Alba na ngayon ay naglalaro sa loser’s bracket nang maipanalo ang kanilang laro.
Si Gabica na siyang nag-uwi ng ginto sa Doha Asiad ay may 9-4 panalo kay Majed Al Zaab ng UAE; si Corteza ay humirit ng 9-4 ding panalo kay Erik Hjorliefson; si Gomez ay nanaig sa dikitang laban nila ni Almed Naeem Ali ng Jordan, 9-8; habang isang 9-6 tagumpay naman ang naiposte ni Alba kay Bruno Muratore ng Italy.
Sa race to 11, alternate break gagawin ang laro sa Last 64 habang isang race to 13 naman ang magaganap sa Finals.
Halagang $250,000 ang premyong paglalabanan sa kompetisyon at ang mananalo ay magbibitbit ng $36,000 unang gantimpala.