Django, Bata umiskor ng panalo sa 2011 World 9-Ball Championship
MANILA, Philippines - Kapwa umiskor ng panalo sina reigning WPA World 9-ball champion Francisco "Django" Bustamante at dating World 9-ball at 8-ball champion Efren ‘Bata’ Reyes sa pagsisimula ng 2011 World 9-Ball Championship sa Al Sadd Sports Club sa Doha, Qatar noong Sabado ng gabi.
Nagtala si Bustamante ng 9-7 tagumpay kontra kay Caneda Villamor sa Group D, habang binigo ni Reyes si Mark Gray ng Great Britain, 9-8, sa Group A.
Mula sa 2-6 agwat sa laro, nagawa ni Reyes na makatabla sa 7-7 patungo sa 8-7 abante buhat sa break and run sa 15th rack.
Nakamit ni Reyes ang huling rack para sa kanyang 9-7 panalo kay Gray.
Sina Bustamante at Reyes ay napunta sa winners’ side kung saan ay isang panalo na lamang ang kanilang kailangan para umusad sa round-of-64.
Ang iba pang mga Filipino na naglista ng panalo ay sina Dennis "Robocop" Orcollo, nanaig kay Andrew Kong ng Hong Kong, 9-4, sa Group A; si 2011 World Ten Ball semifinalist Carlo ‘Cool’ Biado kay Petri Makkonen ng Finland , 9-5, sa Group D.
Sa second round, makakalaban ni Reyes si Konstantin Stepanov ng Russia; makakaharap ni Orcollo si Yousef Jalal ng Venezuela; makakasagupa ni Bustamante si Majide Alazme ng Kuwait.
Nabigo naman si Antonio ‘Gaga’ Gabica, ang 2006 Doha Asian Games 9-ball gold medal winner at 8-ball silver medallist, kay 2011 China Open Champion Chris Melling ng Great Britain, 9-8, sa Group B.
Natalo rin si 2007 World 9-ball finalist Roberto ‘Pinoy Superman’ Gomez kay Manuel Gama ng Portugal, 9-8, sa Group E.
May nakalatag na $250,000 total prize kung saan ang $36,000 ay ibibigay sa magkakampeon.
- Latest
- Trending