MANILA, Philippines - Selyuhan ang magandang inilalaro sa Baseball Philippines Series VIII elimination ang hanap ng Manila Sharks sa pagpapatuloy ng kanilang suspendend game laban sa Alabang Tigers ngayon sa Clark Field Parade Grounds sa Pampanga.
Dakong alas-10 ng umaga gagawin ang labanan na magpapatuloy lamang sa naudlot na tagisan na nangyari nitong Mayo 8.
Lamang ang two-time defending champion Manila sa Alabang, 8-4, sa fifth inning nang bumuhos ang malakas na ulan para matigil ang sagupaan.
May 8-1 baraha ang Sharks sa ngayon at kung mananalo sila ay pormal na makukuha ang number one spot sa eliminasyon at makatapat ang number four team sa Final Four.
Pero kung masisilat sila ng Tigers na talsik na sa labanan sa semifinals, magkakaroon ng pagkakataon ang Cebu Dolphins na makuha pa ang unang puwesto kung manalo sila sa Dumaguete Unibikers sa ikalawang laro dakong ala-1 ng hapon.
May 7-2 karta ang Dolphins at kung manalo sila at matalo ang Sharks ay magtatabla sila sa 8-2 baraha.
Aangat ang Dolphins sa tuktok ng standings dahil sa mas mababang runs allowed sa kanilang head to head ng Sharks.
Ang Batangas (5-5) at Taguig (4-5) ang kukumpleto sa maglalaro sa Final Four.