95% handa na ang venue para sa Azkals, Sri Lanka match - Araneta
MANILA, Philippines - Handang-handa na ang Rizal Memorial Football field para sa home game ng Philippine Azkals at Sri Lanka sa Hulyo 3.
Mismong si Philippine Football Federation (PFF) president Mariano “Nonong” Araneta ang siyang nagdeklara nito kahapon matapos pangunahan ang ocular inspection sa pasilidad kahit bumubuhos ang malakas na ulan.
“Sa nakita natin ngayon ay masasabi kong 95% ready na ang venue,” wika ni Araneta.
Naisaayos na ang mga dugouts, rest room at mga upuang paglalagyan ng mga manonood at ang kabuuang gastos na inabot sa renobasyon ay nasa P8.4 milyon.
Hindi naman problema ito dahil ang inaasahang kita sa pagbenta ng 13,000 tikets ay nasa P11 milyon
“Hindi lang naman ang gastos sa Rizal Memorial Field ang pinaglaanan ng pondo dahil kasama rin dito ang gastos ng training ng Azkals gaya ng pagbiyahe sa Germany ngayon,” paliwanag pa ni Araneta.
Lahat ng mga magsisipanood kahit sa grandstand at sa lugar na hindi sasakupin ng bubong ay magiging kumportable dahil may kani-kanila silang upuan.
Ang dapat lamang na ipanalangin ng mga panatiko ng football ay magkaroon ng magandang panahon sa araw na ito.
Ipinagbabawal sa mga manonood na mauupo sa open area ang pagdadala ng payong upang hindi makaaabala sa ibang manonood.
Dahil sa maayos na pagkakagawa at ang magandang field na isinaayos naman ng La Salle, idineklara na rin ng PFF ang Rizal pitch na siyang magiging venue ng home game ng Azkals sakaling makalaban nila ang Kuwait sa second round.
Ang labanan ng Pilipinas at Sri Lanka ay first round ng 2014 World Cup Qualifier at ang unang bakbakan ay mangyayari sa lugar ng huli sa Hunyo 29.
- Latest
- Trending