MANILA, Philippines - Humigit-kumulang sa 200,000 runners ang inaasahang lalahok sa 17 regional eliminations na inilatag para sa inaabangang 35th National Milo Marathon.
Ang pinakamatagal na marathon event sa bansa ay sisimulan sa pamamagitan ng Manila eliminations na nakatakda sa Hulyo 31 sa SM Mall of Asia na tatampukan ng paggamit ng timing chips para sa computerized time recording ng bawat partisipante, ayon kay Assistant Vice President for Milo Sports Pat Goc-Ong.
Gagamitin rin sa lahat ng race categories ang Association of Internationall Marathons/International Association of Athletics Federation (AIMS/IAAF) certifications.
Ang pagpaparehistro ay maaari na ring idaan sa www.Milo.com.ph, ayon kay racing director Rio dela Cruz, isang runner, coach at marathon organizer.
Halos P6 milyon ang inihanda ng Milo para sa kanilang pang 35th season kung saan ang P300,000 ay mapupunta sa magwawagi sa men’s at women’s 42-kilometer event na ipinanalo nina Eduardo Buenevista at Flordeliza Donos.
Nagposte si Buenavista, nag-uwi ng gintong medalya sa Southeast Asian Games at kumampanya sa Asian Games at Olympic Games, ng bilis na 2:18.53, habang nagtala si Donos ng tiyempong 3:05.07.
Ang sinumang runner na babasag sa naturang rekord ng 4-foot-11 na si Buenavista ay tatanggap ng bonus na P20,000.
Ang P10 naman sa bawat registration fee na babayaran ng mga runners ay mapupunta sa “Help Give Shoes” program ng Milo na kanilang ibibigay sa Department of Education (DepEd) na pipili sa 10,000 public school students na hahandugan ng running shoes.