4 Pinoy jins asam ang puwesto
MANILA, Philippines - Kukunin ng apat na taekwondo jins ang taguri bilang mga kauna-unahang manlalaro ng bansa na magbabaka-sakali sa puwesto sa 2012 London Olympics sa paglahok sa 2011 World Qualification Tournament sa Baku, Azerbiajan.
Sina John Paul Lizardo (under 58kg) at Marlon Avenido (under 80kg) ay sasamahan nila lady jins Jyra Marie Lizardo (under 49kg) at Jade Zafra (under 57kg) na magtatangka na manalo ng medalya sa kanilang dibisyon para magsilbing tiket patungong London Olympics.
Ang World Qualification ay itinakda mula Hunyo 25 hanggang Hulyo 4 at una sa dalawang Olympic qualifying events para sa taekwondo.
Ang huling qualifying event ay ang Asian Qualification sa Bangkok, Thailand mula Nobyembre 4 hanggang 6 na kung saan ang gold at silver medalist lamang ng bawat kategorya sa male at female divisions ang aabante sa 2012 Games.
Aabot sa 103 bansa ang sasali sa World Qualification pero tiwala ang Philippine Taekwondo Association na palaban ang apat na ipadadalang manlalaro.
Kabilang ang apat na ito sa mga nagsanay sa Korea kung kaya’t nasa magandang kondisyon ang kanilang pangangatawan.
Ang 24 anyos na si LIzardo ay nanalo nga ng pilak sa 2010 Asian Championships bukod pa sa bronze medal sa 2010 Asian Games sa Guangzhou China.
Si Avenido na edad 21 ay nanalo ng ginto sa 2009 ASEAN championship habang ang 18-anyos na kapatid ni Japos na si Jyra ay nanalo ng bronze medal sa Laos SEAG, at 2010 Korea Open bukod pa sa pagkapasok sa quarterfinals sa World championship.
Ang 20-anyos na si Zafra ay isang bronze medalist sa 2010 Korea Open at silver medalist sa 2009 ASEAN Championship.
- Latest
- Trending