Toroman tiwala sa Gilas sa pagharap sa Malaysia ngayon
MANILA, Philippines - Walang kaba na nararamdaman si Smart Gilas national coach Rajko Toroman kahit may mga injuries ang key players nito na lalaban sa Malaysia sa pagbubukas ngayon ng 9th Southeast Asian Basketball Association Championship sa Britama Arena Sports Mall sa Jakarta, Indonesia.
May mga iniindang injuries sina JV Casio, Japeth Aguilar, Chris Lutz, Dylan Ababou at Marcio Lassiter ngunit sa puso at determinasyong bigyan ng titulo ang Pilipinas iniaasa ni Toroman ang kampanya nila sa liga.
Pakay ng Pilipinas na makapasok sa finals upang makuha rin ang karapatang umabante sa FIBA Asia Men’s Championship sa Wuhan, China sa Setyembre na isang Olympic qualifying tournament.
“Nothing changed,” wika ni Toroman. “Our goal remind the same, which is to be champion of SEABA.”
Matibay pa rin naman ang line-up ng Gilas dahil naririyan pa sina 6’10 naturalized player Marcus Douthit, co-team captains Chris Tiu at Mark Barroca, Mac Baracael at 6’9 Jason Ballesteros.
Hindi naman nasama sa koponan ang mga PBA reinforcements na naglaro sa FIBA Asia Champions Cup na sina Paul Asi Taulava at Dondon Hontiveros dahil bumalik sila sa kanilang mother clubs sa PBA.
Sina 7’0 Greg Slaughter at 6’6 Aldrech Ramos ay hindi rin kasama dahil naghahanda ang kanilang mga collegiate teams na Ateneo at FEU sa 74th UAAP season.
Matapos ang Malaysia, babanggain naman ng Gilas ang host Indonesia sa ganap na alas-7 ng gabi Philippine time bukas bago tapusin ang single round robin elimination sa hanay ng apat na koponan sa pagbangga sa Singapore sa Sabado sa ganap na alas-5 ng hapon.
Dalawang panalo lamang ang kailangan ng Pilipinas upang matiyak na makaaabante sila sa Finals at makakalaro sa FIBA Asia na siyang qualifying event para sa 2012 London Olympics bagay na alam ni Toroman na makakamit nila pilay man ang kanyang bataan.
- Latest
- Trending