Sen. Coseteng sinampahan ng kaso sina Genuino, Joseph
MANILA, Philippines - Ang Philippine Aquatic Sports Association (PASA), ang national sports association para sa swimming sa bansa, ay nasa putikan ngayon matapos magsampa ng kasong graft/corruption at money laundering si dating Senador Nikki Coseteng laban kina William Ramirez, Edward King, Butch Francisco, Valentine Custodio, Philip G. Lo, Ester Hernandez at pangulo ng PASA sa Ombudsman kahapon ng umaga.
Si Coseteng, kasama sina Philippine Swimming League (PSL) president Susan Papa, Olympian Jairulla Jaitulla at mga opisyales at miyembro ng Philippine Aquatic Sports Coaches Association, Inc. (PASCAI) ay nagsampa rin ng kaso laban kina dating PAGCOR chairman Efraim Genuino at PASA chief Mark Joseph dahil sa pagkawala ng P30 milyon na dapat ay para sa mga national athletes.
Si Genuino, na inilagay sa puwesto ni dating Pangulong Arroyo, ang PAGCOR chair nang magbigay ito ng direct financial assistance na P30 milyon para sa four-year program ng PASA para sa 2012 London Olympics.
Nakasaad sa Section 26 ng R.A. 6847 na kailangang mag-remit ang PAGCOR ng limang porsiyento ng kita nito direkta sa Philippine Sports Commission (PSC) upang pondohan ang national sports development program. Subalit, ang donasyon sa PASA noong 2009 ay hindi dumaan sa PSC at ibinigay mismo kay Joseph.
Nawawala ang pera at hindi nai-account nang maayos, gaya ng mga pondo ng PASA mula 2004 hanggang sa kasalukuyan na hindi naiaayos ng PSC, Commission on Audit (COA) at Securities and Exchange Commission (SEC).
Ang dating PSC chairman na si Ramirez ang nag-apruba ng direct release ng pondo mula PAGCOR papunta sa PASA na abnormal at iregular.
Napag-alamang ang training center na ginagamit ng PASA na TRACE Aquatic Center ng TRACE College Inc. sa Laguna ay itinayo ni Genuino.
Si Genuino at ang kanyang asawa at mga anak ay may direct financial interest sa pasilidad.
Bilang chairman sa kanyang termino, si Genuino ay may administrative control sa mga pondong inilalabas mula sa PAGCOR.
Kinumpirma naman ng abugado ni Coseteng na si Atty. Harry Roque na hinihingi ni Genuino sa PAGCOR ang kanyang retirement benefits noong nakaraang linggo, bago madawit ang kanyang pangalan sa mga problema ng swimming community.
Samantala, bago isampa ang kaso, pinalitan ni Joseph ang pangalan ng PASA at ginawang Philippine Swimming, Inc.
Lubog sa kontrobersiya ang PASA na inimbestigahan ng House Committee on Sports noong Marso matapos isiwalat ni Coseteng ang mga anomalya sa asosasyon, particular na ang pangulo nito. Inakusahan ng dating Senador si Joseph ng korapsyon, favoritism, diskriminasyon at iron rule.
Nalungkot si Coseteng matapos malaman na walang nakuhang anumang medalya ang bansa mula 1986 hanggang 1994 at 2002 hanggang 2010.
Dalawang medalya lamang ang nasungkit ng bansa sa 24 taon nitong pagsali sa Asian Games.
Ito ay nanggaling kay Ryan Papa.
- Latest
- Trending