MANILA, Philippines - Umukit ng magkahiwalay na panalo ang Batangas at Taguig na nagtulak sa mga koponang ito na makapasok na sa Final Four ng Baseball Philippines Series VIII kahapon sa Clark Field Parade Grounds sa Pampanga.
Isang hit lamang ang ibinigay ni Romeo Jasmin sa mula ikaanim na inning habang tatlong runs ang itinulak ng Bulls sa kanilang palo sa nabanggit ding inning para kunin ang 7-4 tagumpay sa Dumaguete Unibikers.
Angat pa ang Unibikers sa 4-3 matapos ang limang innings nang humataw si Vincent Ching ng leadoff double. Umabante siya sa third sa outfield error bago umiskor ng panablang run sa single ni Leandro Banson.
May single din si Randy De Leon at ang dalawa ay pumasok sa single sa center ni Justin Zialcita para kunin na ang kalamangan sa laro.
Kumunekta naman ng apat sa siyam na ibinigay ni Carlos Munoz ang Patriots para mapag-init ang anim na runs na ginawa sa fifth inning tungo sa 8-1 kalamangan.
Hindi na nakabangon pa ang Tigers mula sa hukay na ito para matapos na ang agawan sa semis seats sa ligang inorganisa ng Community Sports Inc. (CSI) katuwang ang Gatorade, Rawlings, The Heritage Park, Harbour Centre. Philippine Transmarine Corporation, Emperador Brandy, Victory Liner at Philippine Sports Commission.
Ang Bulls ngayon ay mayroong 5-5 karta habang 4-5 naman ang sa Patriots para samahan na ang two-time defending champions Manila Sharks (8-1) at Cebu Dolphins (7-2) sa crossover semifinals.
Namaalam naman na ang Tigers at Unibikers sa tinamong 2-7- at 1-7 baraha kahit may tig-isa pa silang laro sa eliminasyon.