MANILA, Philippines - Pipilitin ng walong national athletes na makapag-uwi ng gintong medalya sa kanilang paglahok sa IFMA 2011 World Muay Championships saTashkent, Uzbekistan sa Setyembre 20-27.
Nakatakdang bumiyahe ang delegasyon ni Muay head coach Billy Alumno patungong Bangkok, Thailand sa Hulyo 15 hanggang Setyembre 15 upang magsanay sa prestihiyosong torneo na tinatampukan ng 50 bansa.
“Wala po kasing Muay this coming 26th Indonesian SEA Games kaya po nag-concentrate po kami para sa World Championships,” sabi ni Alumno ng maging panauhin sa lingguhang SCOOP sa Kamayan forum na itinataguyod ng Q-Tech BPO,Powerade, FILA, DPS at TV5.
Ang walong atleta na nakapag-uwi ng medalya noong 2009 Laos SEAGames ay sina Harlod Gregorio, Jonathan Polosan, Zidee Laron, Benedict Alumno, Ryan Jakiri at Robin Catalan habang ang mga babae ay sina May Li Bao at Preciosa Ocaya.
Asam ng asosasyon ng Muay na malampasan ang kasaysayan na itinala nina Brent Velasco at Roland Claro na nagawang masungkit ang gintong medalya sa kada dalawang taong torneo.
Unang itinala ni Velasco ang panalo noong 2000 at 2002 bago sumunod si Claro noong 2004 at 2008.
Idinagdag ni Alumno na umaasa sila na masusustinahan ng kanilang pagsasanay na gagawin sa bansang Thailand na siyang pinagmulan ng larong Muay para sa mga torneo na nakatakda nitong lahukan na torneo partikular na sa susunod na 2014 Asian Games sa Inchon, South Korea.