Bahala na ang NSAs pumili ng atleta - POC
MANILA, Philippines - Hindi mawawala sa training pool ang mga atletang hindi masasama sa Southeast Asian Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Sa pagpupulong na isinagawa ng POC sa mga kasaling NSAs kamakalawa, ipinaliwanag ng POC na bibigyan nila ng laya ang mga NSAs na gumawa ng sariling criteria sa pagpili ng mga ipadadalang atleta sa SEA Games.
Pero dadaan pa rin ito sa screening ng POC at PSC dahil ang pinal na desisyon kung isasama sila o hindi ay nakadepende pa rin sa kanilang ipakikita sa mga laro at pagsasanay.
“Candidated slashed from the SEAG team will still remain on the training team for future competitions. Its not a do or die thing like in the past because NSAs all have annual budgets from PSC to support athletes and coaches,” wika ni POC deputy secretary-general Mark Joseph.
Ang mga atleta at coaches ay kailangan din lumagda sa Code of Conduct na base sa POC Code Of Ethics upang matiyak na lahat ng alituntunin ay kanilang susundin.
Bawat NSAs na kasali din sa delegasyon ay magnonombra ng team manager na magtatrabaho rin sa pagmomonitor ng kanilang manlalaro sa pagsasanay at paglahok sa mga kompetisyon na kanilang namang iuulat sa POC-PSC working committee.
Ang pagbibigay ng responsibilidad sa mga team managers ay upang maalis sa isipan ng publiko na juncket lamang ang mga ganitong posisyon sa Pambansang delegasyon.
Hindi naman matiyak pa kung ilan ang magiging opisyal na bilang ng delegasyon pero ang mabubuong koponan ay titiyakin ng POC na magiging isang palabang koponan.
Itinala rin ng POC ang Hunyo 29 bilang deadline para makapagsumite ng mga rekititos ang mga NSAs upang hindi magahol ng panahon.
- Latest
- Trending